Sa gitna ng umiinit na palitan ng pahayag kaugnay ng West Philippine Sea, nanindigan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na dapat munang idaan sa pagdinig ng komite ang isang resolusyon na may kinalaman sa Chinese Embassy.
Ang panukalang resolusyon ay inihain kasunod ng mga pahayag ng Chinese Embassy na tumuligsa sa ilang opisyal ng pamahalaan kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea, na humantong sa palitan ng maaanghang na pahayag at panawagan sa Senado na maglabas ng opisyal na tindig laban sa China.
Ayon kay Cayetano, maselan ang isyu at may direktang epekto sa foreign policy ng bansa, kaya kailangan muna itong himayin sa isang committee hearing bago maglabas ng pormal na tindig ang Senado.
Sa liham na ipinadala niya nitong January 27, 2026 kay Senate President Vicente Sotto III, sinabi ng senador na hindi naisama ang resolusyon sa lingguhang agenda at una lamang itong naipasa sa hanay ng mayorya. Dahil dito aniya, kulang ang oras ng minorya para pag-aralan ang panukala.
Bukod sa usapin ng proseso, binigyang diin ni Cayetano na mahalagang isaalang-alang ang kasalukuyang sitwasyon sa diplomasya, lalo na sa gitna ng umiinit na palitan ng pahayag sa publiko.
Para sa senador, mas magiging malinaw ang usapin kung maririnig muna ang paliwanag ng Department of Foreign Affairs (DFA) at mga eksperto sa diplomasya sa isang pagdinig ng komite.
Aniya, sa ganitong pagdinig maaaring ilahad ang kabuuang konteksto ng isyu, ang estado ng ugnayan ng Pilipinas at China, at ang posibleng maging epekto ng anumang aksiyon ng Senado.
Tinukoy din ni Cayetano na nagpaabot na ng alalahanin ang DFA sa Chinese Embassy kaugnay ng mga pahayag sa publiko, kasabay ng panawagan sa mas maingat at mahinahong pagtugon upang hindi na lumala ang tensiyon.
Iginiit ng senador na bagaman may karapatan ang mga mambabatas na maghayag ng kani-kanilang posisyon, ang mga usaping may kinalaman sa foreign policy ay dapat dumaan sa tamang proseso upang mapangalagaan ang interes ng bansa.
“It is important to recognize that matters affecting foreign relations fall within established diplomatic frameworks,” wika ni Cayetano.